Tinatayang aabot sa P6 milyon ang halaga ng tanim na marijuana na winasak ng pinagsanib na puwersa ng militar, pulisya, at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa isinagawang anti-illegal drugs operation sa Sitio Bunlak, Barangay Kasapa I, Loreto, Agusan del Sur noong July 4.
Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng 60th Infantry Battalion ng 10th Infantry “Agila” Division, katuwang ang Loreto Municipal Police Station, 2nd Provincial Mobile Force Company, Agusan del Sur Provincial Forensic Unit, at PDEA.
Sa operasyon, tinatayang nasa 12,000 metro kuwadrado ang lawak ng natuklasang plantasyon kung saan mahigit 23,000 ganap nang tumubong halamang marijuana ang sinira.
Kumuha muna ng mga sample ang mga forensic personnel para sa pagsusuri sa laboratoryo bago sinunog sa lugar ang natitirang mga halaman sa harap ng mga kinakailangang saksi bilang bahagi ng wastong dokumentasyon at proseso.
Pinuri naman ni Major General Alvin Luzon, Commander ng 10th Infantry “Agila” Division, ang mga sundalo at mga katuwang na law enforcement agencies dahil sa matagumpay na operasyon. Aniya, patunay ito ng matatag na koordinasyon ng iba’t ibang ahensya sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at iba pang uri ng kriminalidad.
Iginiit din ng 10th Infantry Division na ipagpapatuloy nito ang pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies upang paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga sa kanilang nasasakupan.

















