Niyanig ng magnitude 5.8 na lindol ang karagatan malapit sa Balut Island sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental, alas-4:11 ng hapon nitong July 6, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS.

Natukoy ang sentro ng lindol sa layong 63 kilometro timog, dalawang digri silangan ng Balut Island, na may lalim na siyam na kilometro.

Naitala ang Intensity IV sa bayan ng Sarangani, Davao Occidental.

Samantala, naitala naman ang Instrumental Intensity II sa Kiamba at Malungon sa Sarangani, General Santos City, at Tupi, South Cotabato.

Naitala rin ang Instrumental Intensity I sa Santa Maria, Davao Occidental; Malapatan, Maasim, at Maitum sa Sarangani; Koronadal City; Surallah at T’boli sa South Cotabato; at Palimbang, Sultan Kudarat.

Ayon sa PHIVOLCS, ang naturang lindol ay isang aftershock ng magnitude 7.8 na lindol sa karagatang sakop ng Sarangani at magnitude 6.5 na lindol sa karagatang sakop ng Davao Occidental na naitala noong Hunyo 2026.

Sa ngayon, wala pang naiuulat na malaking pinsala o nasawi kaugnay ng pagyanig.