Patuloy na nakaaapekto ang easterlies o mainit na hanging nagmumula sa Karagatang Pasipiko sa silangang bahagi ng Northern at Central Luzon.
Samantala, alas-3:00 ng madaling-araw ngayong araw, namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang Super Typhoon BAVI.
Huling namataan ang sentro nito sa layong 2,010 kilometro silangan ng Central Luzon, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 195 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 240 kilometro kada oras. Kumikilos ito pakanluran-hilagang kanluran o west-northwestward sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Dahil naman sa umiiral na Habagat o Southwest Monsoon, makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Zamboanga Peninsula, BARMM, Lanao del Norte, at Sultan Kudarat. Pinag-iingat ang mga residente sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng katamtaman hanggang sa minsang malalakas na pag-ulan.
Sa Cagayan Valley at Aurora, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat at pagkulog dulot ng easterlies.
Samantala, sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng mga pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.
Pinapayuhan ang publiko na maging alerto dahil posible ang biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng malalakas na thunderstorms.

















