Ipinahayag ni dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na nakahanda siyang humarap at tumestigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung ipatatawag siya ng Senate impeachment court.
Ayon kay Santiago, susunod siya sa anumang kautusan ng korte at haharap bilang testigo sakaling maglabas ito ng subpoena habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Si Santiago ang namuno sa NBI nang irekomenda ng ahensya noong Pebrero 2025 ang pagsasampa ng mga kasong inciting to sedition at grave threats laban kay Duterte. Ang rekomendasyong ito ay kaugnay ng umano’y mga pahayag ng bise presidente na naglalaman ng pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Noong Martes, pormal nang sinimulang talakayin ng Senate impeachment court ang Article IV ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa isyung may kaugnayan sa naturang mga pahayag.
Nauna na ring hiniling ng prosekusyon na ipatawag bilang mga testigo sina kasalukuyang NBI Director Melvin Matibag at Office of the Vice President Chief of Staff Zuleika Lopez upang magbigay ng kanilang testimonya sa paglilitis.
Samantala, ipinagpatuloy ngayong Miyerkules ang cross-examination ng depensa kay NBI Senior Agent John Mark Calilung, ang unang testigo ng prosekusyon. Siya ang nagpatunay sa pagiging tunay ng video ng press conference noong Nobyembre 2024 kung saan iniulat na sinabi ni Vice President Duterte na mayroon na siyang nakausap upang ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.
Patuloy namang inaasahan ang susunod na mga pagdinig habang isinasagawa ng Senate impeachment court ang pagtalakay sa mga ebidensiya at testimonya kaugnay ng kaso.

















