Patuloy na kikilos pahilagang-kanluran ang Bagyong Inday habang nananatili sa Philippine Sea, ayon sa pinakahuling pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 620 kilometro silangan ng Basco, Batanes, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 150 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 185 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa buong Batanes, silangang bahagi ng Babuyan Islands, kabilang ang Babuyan Island, Didicas Island, at Camiguin Island, gayundin sa Santa Ana, Cagayan.
Samantala, nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa nalalabing bahagi ng Babuyan Islands at Cagayan, gayundin sa Isabela, Apayao, Kalinga, Ilocos Norte, at ilang bahagi ng Abra, Mountain Province, at Ifugao.
Dahil sa pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat, inaasahang makakaranas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang Occidental Mindoro at Antique.
Posible rin ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Zambales, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, at Lanao del Sur.
Sa Metro Manila, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, at sa nalalabing bahagi ng Luzon at Visayas, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat at pagkulog dulot ng Habagat. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malalakas na pag-ulan.
Samantala, sa nalalabing bahagi ng Mindanao, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o pagkidlat at pagkulog. Posible rin ang biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng matitinding thunderstorms.
Ayon kay DOST-PAGASA Cotabato Synoptic Station Officer-in-Charge Gleziel Pedrico, inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Inday bukas ng hapon. Gayunman, nilinaw niyang maaari pa ring makaranas ng mga pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil nananatili ang epekto ng Southwest Monsoon o Habagat, bagama’t inaasahang mas mahina na ang mga ito kumpara sa mga nagdaang araw.

















