Bagama’t tuluyan nang lumabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Inday kaninang alas-11:00 ng umaga, hindi pa rin ligtas sa mga pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa patuloy na umiiral na Southwest Monsoon o Habagat.
Ayon kay DOST-PAGASA Cotabato Synoptic Station Officer-in-Charge Gleziel Pedrico, namataan ang sentro ng Bagyong Inday sa layong 590 kilometro hilaga-hilagang silangan ng Itbayat, Batanes habang kumikilos patungo sa East China Sea, dahilan upang tuluyan na itong makalabas sa Philippine Area of Responsibility.
Sinabi ni Pedrico na bagama’t wala na sa loob ng PAR ang Bagyong Inday, ang Habagat pa rin ang pangunahing nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa. Dahil dito, inaasahan pa rin ang maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan, at mga pagkidlat at pagkulog sa maraming lugar hanggang sa susunod na linggo.
Binabantayan din ng PAGASA ang posibilidad ng pagbuo ng isang Low Pressure Area (LPA) sa silangang bahagi ng bansa o malapit sa silangang hangganan ng PAR. Gayunman, nananatiling mababa ang tsansa na ito ay maging isang bagyo.
Sa outlook naman para sa Hulyo 16 hanggang 22, posible ring mabuo ang isa pang LPA sa kanlurang bahagi ng bansa o malapit sa western boundary ng PAR. Subalit, mababa rin ang posibilidad na ito ay lumakas at maging isang tropical cyclone.
Samantala, muling pinaalalahanan ni Pedrico ang publiko na patuloy na bantayan ang mga General Flood Advisories at Flood Warnings ng DOST-PAGASA, lalo na sa mga lugar na nakararanas ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Sa kasalukuyan, may umiiral na General Flood Advisory at Flood Warning sa mga lalawigan ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Sulu, at Tawi-Tawi.
Dahil dito, mahigpit na pinapayuhan ang publiko na iwasan ang pagtawid sa mga baha at rumaragasang ilog, manatiling alerto, at patuloy na subaybayan ang mga weather bulletin, flood advisories, at iba pang opisyal na abiso ng DOST-PAGASA at ng mga lokal na pamahalaan.

















