Umabot na sa 100,317 pamilya ang naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalakas ng Super Typhoon Inday sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), batay sa pinakahuling sitwasyon na inilabas ng Bangsamoro READi alas-12:00 ng madaling-araw ngayong July 13, 2026.

Ayon sa ulat, apektado na ang 320 barangay sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon, habang patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang kabuuang bilang ng mga naapektuhang pamilya.

Sa tala ng Bangsamoro READi, umabot na sa 17 ang nasawi, 5 ang nawawala, at 4 ang nasugatan bunsod ng masamang panahon.

Samantala, nananatiling bukas ang 37 evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng BARMM na kumukupkop sa 5,107 pamilyang lumikas. Ang mga aktibong evacuation center ay matatagpuan sa mga bayan ng Kapatagan at Picong sa Lanao del Sur; Barira, Parang, Northern Kabuntalan, at Sultan Kudarat sa Maguindanao del Norte; at Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Datu Piang, South Upi, Datu Hoffer, Datu Anggal Midtimbang, Datu Saudi Ampatuan, Sultan Mastura, Shariff Aguak, at Mamasapano sa Maguindanao del Sur.

Batay sa damage assessment, naitala rin ang 114 bahagyang nasirang bahay at 33 bahay na tuluyang nawasak dahil sa malawakang pagbaha at iba pang epekto ng patuloy na pag-ulan.

Patuloy namang minomonitor ng Bangsamoro READi at ng iba pang kinauukulang ahensya ang sitwasyon sa mga apektadong komunidad habang nagpapatuloy ang pagbibigay ng relief assistance at iba pang kinakailangang tulong sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.