Nahaharap din sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na naaresto kaugnay ng pamamaril sa Jose Lim Street, Cotabato City kahapon, Linggo.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “John”, residente ng Purok Kabisig, Barangay Sta. Maria, Kalamansig, Sultan Kudarat.
Batay sa paunang ulat ng Cotabato City Police Office, naaresto ang suspek dakong 4:10 ng hapon nitong ng Lunes, July 13 sa isinagawang anti-criminality checkpoint sa Biniruan Border Control, Barangay Poblacion 9, Cotabato City.
Ayon sa pulisya, narekober mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril, isang magazine, at apat na live ammunition.
Nabigo umano ang suspek na magpakita ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF), firearm registration, at iba pang kaukulang dokumento kaya agad siyang inaresto dahil sa paglabag sa R.A. 10591.
Dinala ang suspek sa Police Station 2 para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga nararapat na kaso.

















