Oplus_131072

Nagpalabas ng warrant of arrest ang Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 148 laban kay Atty. Levito Baligod kaugnay ng dalawang bilang ng kasong cyberlibel.


Batay sa inilabas na kautusan ng hukuman, nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. matapos umanong akusahan ni Baligod ang kalihim na tumanggap ng kickback kaugnay ng umano’y maanumalyang flood control projects.


Pinayagan naman ng korte na makapagpiyansa ang abogado sa halagang ₱20,000 para sa bawat bilang ng cyberlibel.
Inatasan din ng hukuman ang mga law enforcement authorities na mahigpit na sundin ang mga umiiral na alituntunin ng Korte Suprema sa paggamit ng body-worn cameras o iba pang recording devices sakaling isagawa ang pag-aresto kay Baligod.


Kinumpirma ni Baligod na natanggap na niya ang kopya ng warrant of arrest. Gayunman, iginiit niyang hindi siya nabigyan ng pagkakataong maipagtanggol ang sarili dahil umano sa hindi niya pagtanggap ng subpoena mula sa piskalya.


Ayon sa abogado, mali umano ang address na ginamit sa panahon ng imbestigasyon kaya hindi siya nakatanggap ng subpoena at hindi nakapagsumite ng kanyang counter-affidavit.


“Nakalusot ang kaso na ito ni DA Secretary Laurel Tiu dahil sadyang mali ang binigay na address ko sa piskalya, kaya naman hindi ako nakatanggap ng subpoena at hindi nakapagsumite ng counter-affidavit,” pahayag ni Baligod.


Si Baligod ang nagsisilbing legal counsel ng 18 indibidwal na nagpakilalang dating bodyguards ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, na kasalukuyang at large kaugnay ng mga kinahaharap nitong kaso sa bansa.
Patuloy namang hinihintay ang mga susunod na hakbang ng magkabilang panig kaugnay ng naturang kaso.