UMAKYAT na sa 26 ang bilang ng mga nasawi dahil sa epekto ng nagdaang Bagyong Inday at pinalakas na southwest monsoon o habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sa pinakahuling ulat ng OCD ngayong Miyerkules, Hulyo 15, sinabi ng ahensiya na ang mga naitalang pagkamatay ay pangunahing iniugnay sa pagkalunod at pagguho ng lupa, bagamat patuloy pa ring sumasailalim sa beripikasyon ang mga ulat.
Batay sa tala ng OCD, sampu sa mga nasawi ay mula sa Sarangani, pito sa Lanao del Sur, apat sa Davao Occidental, tig-dalawa sa Zamboanga Sibugay at Bukidnon, at isa sa Iloilo.
Samantala, nananatiling nawawala ang 14 na katao, kabilang ang lima sa Davao Occidental, apat sa Lanao del Sur, tig-dalawa sa Zamboanga del Sur at Sarangani, at isa sa Maguindanao del Sur.
Naitala rin ang siyam na indibidwal na nasugatan, karamihan ay dulot ng pagguho ng lupa.
Ayon sa OCD, nagpapatuloy ang validation at verification process sa lahat ng naitalang nasawi, nawawala, at nasugatan upang matiyak ang katumpakan ng datos.
Sa kabuuan, umabot na sa mahigit isang milyong indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Inday at ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

















