Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Secretary Mel Senen Sarmiento bilang concurrent chairperson ng Government Peace Implementing Panel para sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Pamahalaan ng Pilipinas (GPH) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Claire Castro ang naturang appointment sa isang press briefing sa Malacañang nitong Martes, Hulyo 15.

Ayon kay Castro, si Sarmiento ang magsisilbing bagong pinuno ng Government Peace Implementing Panel para sa GPH-MILF peace process.


Ang pagtatalaga kay Sarmiento ay kasunod ng panawagan ng MILF na agad magtalaga ang pamahalaan ng bagong chairperson ng peace panel matapos ang pagbibitiw sa puwesto ni dating chairperson at retired Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Cesar Yano.

Sa isang editoryal na inilathala sa Luwaran.com, sinabi ng MILF na nasa “limbo” o hindi malinaw ang kalagayan ng proseso ng pagpapatupad ng kasunduang pangkapayapaan dahil wala pang itinalagang pinuno ang Government Peace Implementing Panel.
Iginiit din ng MILF na ang kawalan ng chairperson ay nakaapekto sa pagpapatuloy ng implementasyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Sa pagtatalaga kay Sarmiento, muling nagkaroon ng opisyal na pinuno ang Government Peace Implementing Panel na magsisilbing counterpart ng pamahalaan sa pagpapatupad ng CAB at sa pakikipag-ugnayan sa MILF.
Ang appointment ay kasabay ng nagpapatuloy na mga hamon sa implementasyon ng kasunduang pangkapayapaan sa Bangsamoro, kabilang ang mga usapin sa pagtupad sa mga nakasaad sa CAB at pagpapanatili ng tiwala sa pagitan ng dalawang panig.

Nilagdaan ng Pamahalaan ng Pilipinas at MILF ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro noong Marso 27, 2014 matapos ang 17 taong negosasyong pangkapayapaan.
Ang naturang kasunduan ang naging daan sa pagbuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pamamagitan ng ratipikasyon ng Republic Act No. 11054 o Bangsamoro Organic Law.