Isang lalaking fetus na tinatayang nasa pito hanggang walong buwan na ang edad sa sinapupunan ang natagpuan sa loob ng comfort room ng isang motel sa Barangay Lagao, General Santos City, noong Martes, Hulyo 14.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:30 ng umaga nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y fetus na nakita sa toilet bowl ng comfort room ng Room 3D ng isang motel sa Jose Catolico Avenue.

Agad na nagtungo sa lugar ang mga tauhan ng General Santos City Police Office kasama ang Women and Children Protection Desk (WCPD), kung saan nakumpirma ang pagkakatagpo sa fetus na tinatayang nasa pito hanggang walong buwang gulang sa sinapupunan.

Sa isinagawang paunang imbestigasyon, napag-alamang isang room boy ang nakadiskubre sa fetus habang nililinis ang comfort room matapos mag-check out ang mga huling umupa sa silid. Wala nang ibang tao sa kuwarto nang matagpuan ang naturang fetus.

Isinailalim naman sa crime scene processing ang lugar habang nakipag-ugnayan ang mga imbestigador sa Regional Forensic Unit upang magsagawa ng medico-legal examination at forensic analysis na makatutulong sa imbestigasyon.

Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng ina at ang tunay na pangyayari sa insidente. Sinabi ng mga awtoridad na magsasampa sila ng kaukulang kaso kapag nakalikom na ng sapat na ebidensya.