at Terorismo sa Maguindanao del Sur
Nagkasundo ang 6th Infantry (Kampilan) Division (6ID), Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), at mga opisyal ng Maguindanao del Sur na higit pang paigtingin ang kanilang koordinasyon upang matugunan ang suliranin sa rido, terorismo, at iba pang banta sa kapayapaan sa lalawigan.
Sa isinagawang Maguindanao del Sur Leaders’ Conference noong Hulyo 16, muling tiniyak ni 6ID Commander Major General Jose Vladimir R. Cagara ang suporta ng Armed Forces of the Philippines sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan, katuwang ang Philippine National Police, pamahalaan ng BARMM, at mga lokal na pamahalaan.
Pinangunahan naman ni OPAPRU Secretary Mel Senen S. Sarmiento ang kumperensya kung saan tinalakay ang mga hakbang upang mapalakas ang seguridad at maisulong ang pangmatagalang kapayapaan sa lalawigan.
Ayon kay Sarmiento, nakatakdang bumuo ang OPAPRU at Department of Justice ng isang Technical Working Group (TWG) na maghahanda ng mga panuntunan sa mapayapang pagresolba ng mga kaso ng rido o alitan ng mga angkan. Aniya, isasaalang-alang sa proseso ang tradisyunal na mekanismo ng mga komunidad kasabay ng umiiral na batas.
Samantala, ipinaabot ni Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang, sa pamamagitan ni Mayor Datu Nathaniel Midtimbang, ang pasasalamat sa patuloy na suporta ng AFP at OPAPRU sa mga inisyatibong naglalayong mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Bilang pagtatapos ng kumperensya, lumagda ang mga kalahok sa isang “Wall of Commitment,” na nagsisilbing simbolo ng kanilang sama-samang pangako na palakasin ang pagtutulungan para sa pangmatagalang kapayapaan, kaayusan, at pag-unlad sa Maguindanao del Sur.

















