Limang katao ang nasugatan sa insidente ng pagsabog matapos umanong hagisan ng granada ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang isang sasakyan ng militar sa National Highway, Roundball, Barangay Mother Poblacion, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, bandang alas-6:26 ng umaga ngayong Sabado, Hulyo 18.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Shariff Aguak Municipal Police Station, sakay ng isang KM truck ang mga tauhan ng 2nd Scout Ranger Battalion, 4th Scout Ranger Company, First Scout Ranger Regiment, Special Operations Command, Philippine Army at patungo sana sa Isulan, Sultan Kudarat para sa marketing nang mangyari ang insidente.
Lumalabas sa imbestigasyon na pagdating ng sasakyan sa lugar ng insidente ay nilapitan ito ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng isang itim na motorsiklo at umano’y naghagis ng isang bagay na pinaniniwalaang hand grenade bago mabilis na tumakas.
Kabilang sa mga nasugatan ang dalawang sundalo na nagtamo ng shrapnel wounds sa kaliwang binti at kaliwang gitnang daliri.
Sugatan din ang tatlong sibilyan na sina John Dave, janitor ng isang mosque, na nagtamo ng shrapnel wound sa kaliwang paa, si Bassir na nasugatan sa kanang balikat at Pamiya, na nagtamo ng mga sugat sa kanang braso at dibdib.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Shariff Aguak Municipal Police Station at dinala ang lahat ng sugatan sa Bangsamoro Regional Hospital and Medical Center para sa agarang gamutan.
Narekober din ng mga awtoridad sa lugar ang safety lever na pinaniniwalaang bahagi ng sumabog na granada. Kasalukuyan namang sinusuri ang mga CCTV footage at nagsasagawa ng area canvassing at dragnet operation ang pulisya katuwang ang iba pang law enforcement units upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa insidente.
Patuloy pa ring inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa naturang pag-atake.

















