Isang 16-anyos na Boy Scout ang kinilala matapos mailigtas ang buhay ng isang lalaki na muntik nang malunod sa isang resort sa bayan ng Kabacan, Cotabato noong July 12.

Kinilala ang kabataang rescuer na si Scout Rexel Joaquin Codilla Mangliwan, Corps Commander ng University Laboratory School–Boy Scouts of the Philippines (ULS-BSP).

Ayon sa Boy Scouts of the Philippines, isang lalaki ang natagpuang walang malay sa loob ng swimming pool at wala nang paghinga at pulso. Agad na sinuri ni Scout Rexel ang kalagayan ng biktima at isinagawa ang cardiopulmonary resuscitation o CPR gamit ang mga kasanayang natutunan niya sa BSP Emergency Service Training Course.

Habang hinihintay ang pagdating ng mga emergency responder, ipinagpatuloy ng binata ang pagbibigay ng CPR hanggang sa muling magkamalay ang biktima. Kalaunan ay dinala ito sa ospital para sa karagdagang gamutan at tuluyang nakarekober.

Ayon kay Scout Rexel, nanatili siyang kalmado sa gitna ng insidente dahil batid niyang mahalaga ang bawat segundo sa pagsagip ng buhay.

Pinuri naman ng Boy Scouts of the Philippines ang ipinakitang katapangan at kahandaan ng kabataang Scout, na anila’y sumasalamin sa kahalagahan ng pagsasanay sa first aid at emergency response.