Inaasahang maglalahad ng mahahalagang impormasyon si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, kaugnay ng isinagawang imbestigasyon sa umano’y pagbabanta nito laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay House prosecutor Terry Ridon, hindi muna maaaring isapubliko ang nilalaman ng magiging testimonya ni Matibag upang hindi umano mawala ang inaasahang bigat ng mga impormasyong ilalahad nito.

Sinabi ni Ridon na mas mabuting hintayin na lamang ang pagharap ni Matibag sa pagdinig upang personal nitong maipresenta ang kabuuang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng NBI.

Si Matibag ang nakatakdang maging huling testigo ng prosekusyon para sa Article IV ng impeachment complaint, na tumatalakay sa mga naging pahayag ni Vice President Duterte laban sa Pangulo, First Lady, at dating Speaker Romualdez.

Ayon pa kay Ridon, hindi lamang teknikal na resulta ng Cybercrime Division ang tatalakayin ni Matibag. Inaasahan ding ilalahad nito ang kabuuang imbestigasyon ng NBI, kabilang ang naging partisipasyon ng iba pang yunit ng ahensya, upang maipakita ang kabuuang posisyon at mga natuklasan ng NBI bilang isang institusyon kaugnay ng kaso.