Pinaigting ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office (MDSPPO) ang pagpapatupad ng mga checkpoint sa Roundball, Poblacion, Shariff Aguak bilang bahagi ng paghahanda para sa kauna-unahang regular na Bangsamoro Parliamentary Elections sa 2026.

Sa ilalim ng pamumuno ni Provincial Director PCOL Michael John C. Mangahis, layunin ng mas mahigpit na seguridad na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan habang papalapit ang halalan.

Pinangangasiwaan ang mga checkpoint ng pinagsanib na puwersa ng Shariff Aguak Municipal Police Station, Special Action Force (SAF), at Provincial Mobile Force Company (PMFC). Kabilang sa kanilang mahigpit na binabantayan ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas at regulasyon sa halalan, pagpigil sa pagdadala ng mga ipinagbabawal na armas, at paghadlang sa anumang banta sa seguridad, lalo na sa gabi.

Ayon sa MDSPPO, bahagi ng kanilang layunin ang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista na dumaraan sa Shariff Aguak–Cotabato Road at ng mga residenteng bumibiyahe sa lugar.

Nanawagan din ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa mga isinasagawang checkpoint upang mapanatiling mapayapa, maayos, at ligtas ang lalawigan bago ang nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.