Naghain si Senator Risa Hontiveros ng panukalang magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang magpatupad ng price capsa singil sa kuryente sa panahon ng state of emergency o kalamidad upang maprotektahan ang mga konsyumer laban sa biglaang pagtaas ng electricity rates.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2361, na naglalayong amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA, maaaring magtakda ang Pangulo ng mandatory price ceiling sa presyo ng kuryente bilang tugon sa mga panlabas na salik na nagtutulak sa pagtaas ng singil sa panahon ng krisis.

Ayon kay Hontiveros, hindi dapat mawalan ng kontrol sa pagtaas ng singil sa kuryente lalo na’t patuloy na nahihirapan ang mga Pilipino sa mataas na presyo ng pagkain, transportasyon, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.

Bukod sa price cap, nakapaloob din sa panukala ang 90 araw na moratorium sa pagputol ng suplay ng kuryente at pagbibigay ng deferred payment schemes para sa mga residential consumer at micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa panahon ng emergency.

Iminumungkahi rin ng panukala na ang mga kumukuwestiyon sa umano’y labis o maling billing ay pansamantalang magbayad lamang ng katumbas ng average nilang buwanang konsumo sa nakaraang tatlong buwan habang dinidinig ang kanilang reklamo, sa halip na bayaran agad ang buong halaga.

Kasama rin sa panukala ang paglikha ng Consumer Advocacy Office sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI) na kakatawan sa mga konsyumer sa mga usapin sa Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay ng power rates, franchise proceedings at iba pang polisiya na may epekto sa presyo at kalidad ng serbisyo sa kuryente.