Nagpaalala ang Ministry of Public Order and Safety (MPOS) ng Bangsamoro sa publiko na ugaliing beripikahin muna ang mga impormasyong nakikita sa social media at iba pang online platforms bago ito paniwalaan o ibahagi.

Bahagi ito ng information campaign ng ahensya laban sa misinformation, disinformation, at malinformation na layuning mapigilan ang pagkalat ng maling impormasyon.

Ayon sa MPOS, mahalagang basahin muna ang buong nilalaman ng isang balita o post at huwag agad magpadala sa mga clickbait headline na kadalasang gumagamit ng mga salitang nagdudulot ng takot, galit, o matinding emosyon upang makahikayat ng reaksyon at pagbabahagi.

Binigyang-diin din ng ahensya na mas makabubuting tiyakin muna ang katumpakan ng impormasyon sa pamamagitan ng mga mapagkakatiwalaang sanggunian bago magkomento o mag-share sa social media.

Ayon pa sa MPOS, ang pagpapalaganap ng tama at mapagkakatiwalaang impormasyon ay mahalagang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng pamayanan sa Bangsamoro.