Nagsagawa ng Tëduray Baglalan Tribal Assembly ang mga lider ng tribong Tëduray at Lambangian sa Upi, Maguindanao del Norte bilang bahagi ng pagpili ng mga kinatawan ng Non-Moro Indigenous Peoples o NMIPs sa Bangsamoro Parliament.

Idinaos ang asembleya kahapon Agosto 6 sa Saint Francis Gymnasium sa pangunguna ng Timuay Justice and Governance o TJG, na kinikilalang Indigenous Political Structure ng mga Tëduray. Dumalo rito ang mga lider-katutubo, kababaihan, kabataan, at mga delegado mula sa iba’t ibang komunidad sa loob ng kanilang mga ancestral domain.

Sa halip na karaniwang halalan, isinagawa ang pagpili sa pamamagitan ng consensus process o customary law, kung saan ang mga kinatawan ay pinili batay sa tradisyunal na pamamaraan ng pagpapasya ng mga katutubong pamayanan.

Sa naturang proseso, napili sina Jude Martin Jover at Ludivico Marcelino bilang pangunahing kinatawan ng tribong Tëduray. Pumili rin ng dalawang alternatibong kinatawan at sampung delegado na magsisilbing opisyal na kinatawan ng mga Non-Moro Indigenous Peoples sa mga susunod na proseso sa Bangsamoro.

Ayon sa mga lider-katutubo, ang isinagawang pagpili ay sumasalamin sa patuloy na pagpapatupad ng kanilang tradisyunal na sistema ng pamamahala at sa karapatan ng mga katutubo na pumili ng kanilang mga kinatawan alinsunod sa kanilang kultura, kaugalian, at customary laws.

Ang naturang proseso ay kinikilala sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, Bangsamoro Indigenous Peoples Rights Act, at ng mga umiiral na patakaran ng Commission on Elections para sa representasyon ng mga Non-Moro Indigenous Peoples sa Bangsamoro.