Isang residential house ang nasunog sa Sitio Tanulang, Barangay Poblacion, Barira, Maguindanao del Norte kahapon, Agosto 8, 2026.

Nagsimula ang insidente dakong alas-5:50 ng hapon matapos makatanggap ng ulat ang Barira Municipal Police Station hinggil sa sunog sa nasabing lugar.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya, katuwang ang mga tauhan ng Barira Fire Station – Shift A ng Bureau of Fire Protection (BFP), upang isagawa ang firefighting operations.

Ayon sa paunang impormasyon, isang bahay na pagmamay-ari ni Panda Dingkolong, na may tinatayang lawak na 40 metro kuwadrado, ang naapektuhan ng sunog at isang pamilya ang nakatira rito.

Pagsapit ng alas-6:15 ng gabi, idineklarang fire out ang sunog.

Tinatayang nasa P60,000 ang halaga ng pinsala sa ari-arian.

Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan kaugnay ng insidente.

Patuloy namang inaalam ng Barira Fire Station ng BFP ang sanhi ng sunog, habang nakikipag-ugnayan ang Barira MPS sa mga concerned authorities para sa karagdagang imbestigasyon at updates.