Natagpuang wala nang buhay ang isang 40-anyos na fishpond owner sa bahagi ng Purok 6, Mother Barangay Kalanganan, Cotabato City noong Agosto 10, 2026.

Kinilala ang biktima na si Antonio Herida Hugnatan Jr., 40-anyos, hiwalay sa asawa, fishpond owner at residente ng Purok 1, Mother Barangay Kalanganan, Cotabato City.

Agad na rumesponde ang mga patrol personnel at duty investigators na pinangunahan ni PMAJ Eduardo M. Malicdem, katuwang ang Maguindanao Maritime Police Station at MBLT 6, upang beripikahin ang ulat.

Pagdating sa Purok Tarbing, Mother Barangay Kalanganan, sinalubong sila ng mga kaanak ng biktima na nagsabing may mga miyembro na ng pamilya na nagtungo sa lugar kung saan nakita ang biktima upang kunin ang kanyang katawan.

Sinubukan ng mga pulis na makarating sa lugar sakay ng riverboat, ngunit habang naglalakbay sa ilog, isang papalapit na bangka ang sumenyas sa mga ito at ipinaalam na narekober na ng mga kaanak ang katawan ng biktima.

Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na isang lalaking kilala sa alyas na Tiyo, na isang tenant sa kalapit na fishpond at residente rin ng lugar, ang unang nakapansin sa biktima.

Ayon sa ulat, sinabi umano ni Tiyo na nakita niya ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay sa gitna ng fishpond nito.

Agad namang nagtungo ang mga kaanak ni Hugnatan sa lugar upang beripikahin ang impormasyon at matapos makumpirma ang pagkakatagpo sa biktima, ini-report nila ito sa pulisya.

Habang hinihintay ang pagdating ng mga awtoridad, napagpasyahan umano ng pamilya na ilikas na ang katawan ng biktima.

Sa isinagawang paunang pagsusuri ng pulisya sa katawan, nakita na nagtamo si Hugnatan ng maramihang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Dumating din sa Purok Tarbing ang Scene of the Crime Operations o SOCO team, subalit nauna nang dinala ng pamilya ang katawan ng biktima sa kanilang tahanan.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa pamamaslang at ang responsable sa pagkamatay ni Hugnatan.

Sa ngayon, wala pang natutukoy na suspek sa insidente.