Kinilala ng Government Service Insurance System o GSIS-Cotabato Branch ang Ministry of Labor and Employment o MOLE ng Bangsamoro Government dahil sa mahusay nitong pagsunod sa financial management requirements noong 2025.

Nakapagtala ang MOLE ng 100 porsyentong premium remittance at walang naitalang delayed remittance sa buong taon, dahilan upang mapasama ito sa mga top-performing agencies na kinilala ng GSIS.

Tinanggap ni MOLE Minister Muslimin Sema ang certificate of recognition para sa ahensya noong Agosto 5.

Ayon kay Sema, sumasalamin ang pagkilalang ito sa commitment ng ministeryo sa accountability, maayos na pamamahala sa pananalapi at napapanahong pagtupad sa mga obligasyon nito sa mga empleyado.

Kasama rin sa mga kinilalang ahensya ang Ministry of Finance, and Budget and Management o MFBM, Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy o MENRE, Bangsamoro Sports Commission o BSC, Philippine Statistics Authority o PSA, at Cooperative and Social Enterprises Authority o CSEA.

Pinuri naman ni GSIS-Cotabato Branch Manager Alexis Arumpac ang mga ahensyang kinilala, dahil ipinapakita umano nito ang disiplina sa pananalapi at mahusay na pamamahala na nakatutulong upang matiyak ang tuloy-tuloy na access ng mga kawani sa kanilang GSIS benefits at serbisyo.

Batay sa GSIS standards, kabilang sa mga tinitingnan sa performance ng mga ahensya ang napapanahong paghuhulog ng premiums at loan payments, efficiency sa pangongolekta, maayos na membership records, pagsunod sa mga programa ng GSIS, suporta sa eGSISTouch enrollment at maagap na pagbibigay ng serbisyo sa mga miyembro.

Itinuturing naman ang pagkilala bilang pagpapakita ng patuloy na ugnayan ng Bangsamoro Government at GSIS sa pagsusulong ng responsableng financial management at pagtiyak na natatanggap ng mga government employee ang mga benepisyong nararapat sa kanila.