Maaring umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa Cotabato City ngayong Sabado, Agosto 15, ayon sa DOST-PAGASA.
Batay sa heat index monitoring ng PAGASA Mindanao Regional Services Division, 41°C ang naitalang heat index sa Cotabato City kahapon, Agosto 14, habang nasa 41°C ang forecast ngayong Sabado at posibleng umakyat sa 42°C bukas, Agosto 16.
Gayunman, sinabi ni DOST-PAGASA Cotabato Synoptic Station Chief Meteorological Officer Gleziel May Pedrico na maaari pang magbago ang forecast habang papalapit ang oras ng pinakamataas na init.
Ayon kay Pedrico, karaniwang pinakamataas ang heat index bandang alas-dos ng hapon, kaya posible pang tumaas o magbago ang naunang forecast.
Inilagay naman ng PAGASA sa Danger classification ang Cotabato City dahil sa inaasahang heat index na nasa ganitong antas.
Sa ganitong kondisyon, maaaring makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, habang posible rin ang heat stroke kapag patuloy na nalalantad sa matinding init.
Pinapayuhan ang publiko na iwasan ang matagal na pananatili sa ilalim ng araw, uminom ng sapat na tubig at mag-ingat lalo na sa oras ng pinakamatinding init.

















