Nagpahayag ng pakikiramay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga pamilya at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga kaugnay ng isang trahedyang naganap sa paaralan.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng Pangulo na ang mga paaralan ay lugar kung saan ipinagkakatiwala ng mga magulang ang kanilang mga anak upang matuto, lumago at mangarap para sa kanilang kinabukasan.
Binigyang-diin ni Marcos na dapat kabilang ang mga paaralan sa pinakaligtas na lugar sa bansa.
Inatasan din umano ng Pangulo ang mga law enforcement agency na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.
Layunin nitong matukoy kung ano pa ang kinakailangang gawin upang maiwasang muling makaranas ng kaparehong dalamhati ang ibang pamilya, paaralan at komunidad.
Ayon kay Marcos, makikipagtulungan ang pamahalaan sa mga paaralan at komunidad upang palakasin ang mga hakbang na naglalayong protektahan ang mga estudyante.
Tiniyak din ng Pangulo na dapat makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral ang mga estudyante nang walang pangamba.
Binigyang-diin niya na karapatan ng bawat pamilyang Pilipino ang naturang katiyakan.

















