Nasawi ang isang wanted person matapos umanong makipagpalitan ng putok sa mga pulis na nagsilbi ng warrant of arrest sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur noong Agosto 23, 2026.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Rambo London Guiasalim, alyas Rambo/London, na wanted sa kasong Murder at may warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 15.
Isinagawa ang operasyon ng Maguindanao del Sur Provincial Mobile Force Company, kasama ang Shariff Aguak Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit at intelligence support mula sa Regional Intelligence Division ng PRO BAR.
Ayon sa pulisya, nang makilala ng operating team ang kanilang presensya at sabihang sumuko nang maayos, umano’y nagpaputok ang suspek gamit ang kalibre .45 na baril.
Gumanti ng putok ang mga pulis bilang pagtatanggol sa sarili, na nagresulta sa pagkakasugat nang malubha ng suspek.
Isinugod siya sa Bangsamoro Regional Hospital and Medical Center ngunit idineklarang Dead on Arrival ng attending physician.
Nasugatan din sa insidente ang asawa ng suspek at dinala sa nasabing ospital para sa kaukulang atensyong medikal.
Narekober sa lugar ang isang steel magazine na may lamang bala, mga basyo ng bala, apat na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang 0.58 gramo, isang hand grenade at isang kalibre .45 na baril.
Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang kaukulang imbestigasyon sa insidente.
















