Nagpdala ng karagdangang tropa ang 603rd Infantry “Persuader” Brigade para tumulong sa pagpapanatili ng seguridad sa unang BARMM Parliamentary Election.
Isinagawa kamakalawa, ang send-off ceremony para sa mga sundalong ide-deploy sa iba’t ibang lugar na sakop ng security operations para sa halalan.
Pinangunahan ito ni Colonel Glenn Loreto T. Caballero, Acting Brigade Commander, sa Brigade Headquarters sa Barangay Milbuk, Palimbang, Sultan Kudarat.
Kasabay nito, nagsagawa rin ng hiwalay na send-off ceremony ang 105th Infantry “Saifullah” Battalion sa headquarters nito sa Sitio Tampuan, Barangay Kamanga, Maasim, Sarangani Province, sa pangunguna ni Lieutenant Colonel Erikzen C. Dacoco.
Inaasahang makikipag-ugnayan ang mga itinalagang sundalo sa Commission on Elections, Philippine National Police at iba pang ahensya upang matiyak ang ligtas, maayos at mapayapang halalan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Colonel Caballero ang kahalagahan ng pagiging propesyonal, disiplinado at patas ng mga tropa habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Ayon sa opisyal, layunin nilang makatulong na makalikha ng ligtas na kapaligiran kung saan malayang makakaboto ang bawat botante nang walang pangamba.
Hinimok naman ng 603rd Brigade ang mga komunidad at iba pang election stakeholders na makipagtulungan sa mga awtoridad para sa mapayapa at matagumpay na unang BARMM Parliamentary Election.

















