Pinagbabaril ang isang barangay kagawad habang nagkakape sa isang restaurant sa Barangay Baka, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ngayong umaga.
Sugatan sa insidente si Rusman Agar Pinguiaman, 33-anyos, may asawa at kasalukuyang kagawad ng Barangay Baka.
Batay sa paunang ulat ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, bandang alas-11:40 ng umaga nang biglang paputukan ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang biktima.
Tinamaan sa dibdib si Pinguiaman at agad na isinugod sa Cotabato Regional Medical Center para mabigyan ng lunas.
Samantala, mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo matapos ang pamamaril.
Isa sa mga ito ay nakilala sa alyas na Bons, habang hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng kasama nito.
Agad na nagsagawa ng pagtugis ang mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa pamamaril at mahuli ang mga suspek.

















