Kinondena ng Local Government Unit ng Datu Odin Sinsuat ang pamamaril sa isang barangay kagawad sa Barangay Baka, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kahapon, Martes, Setyembre 8.

Kinilala ang biktima na si Barangay Kagawad Rusman Agar Pinguiaman, na binaril umano sa kasagsagan ng araw.

Sa inilabas na pahayag ng LGU, mariing tinuligsa nito ang insidente, na hindi lamang umano pag-atake sa isang indibidwal kundi banta rin sa kapayapaan at seguridad ng mga residente.

Nanawagan ang LGU sa mga awtoridad, kabilang ang 6th Infantry Division at Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy at mapanagot ang mga responsable.

Hiniling din ng lokal na pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado, iwasan ang pagpapakalat ng haka-haka at huwag gumanti habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Samantala, ipinagdarasal ng LGU ang agarang paggaling ni Kagawad Rusman Agar Pinguiaman.