Tuloy-tuloy parin ang paghahatid ng membership orientation at voter education sessions ni Atty. Naguib Sinarimbo, kasabay ng nagpapatuloy na kampanya para sa unang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Layunin ng mga pagtitipon na ipaliwanag sa mga bagong miyembro ang mga prinsipyo ng kanilang partido, gayundin ang mga benepisyo at responsibilidad ng pagiging kasapi.
Kasama rin sa orientation ang voter education upang mas maunawaan ng mga residente ang proseso at sistema ng parliamentary elections sa BARMM.
Ayon kay Atty. Sinarimbo, mahalagang maging mulat at mapanuri ang mga botante hindi lamang sa pagpili ng kanilang mga ihahalal, kundi maging sa pananagutan ng mga lider na kanilang bibigyan ng mandato.
Iginiit din nito na sa parliamentary system, hindi nagtatapos sa araw ng halalan ang pakikilahok ng mga mamamayan, kundi nagsisimula pa lamang dito ang kanilang papel sa pagbabantay at pagsusuri sa mga halal na kinatawan.

















