Nakumpleto ng 41 “Friends Rescued” ang 15-araw na Cotabato Deradicalization and Reintegration Program sa Makilala, Cotabato.
Kasabay nito, 49 beneficiaries ang tumanggap ng Safe Conduct Passes sa seremonya kamakailan, noong Setyembre 25, na pinangunahan ng 39th Infantry “Smash ’Em” Battalion at mga katuwang nitong ahensya.
Bahagi ito ng patuloy na programa para matulungan ang mga benepisyaryo na makabalik sa kanilang mga komunidad at magsimulang muli sa mapayapa at produktibong pamumuhay.
Malaki rin ang naging papel ng Local Amnesty Board sa Koronadal City sa pagpapatupad ng Amnesty Program, habang katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa reintegration process.

Ayon kay Cotabato Board Member Ryl John C. Caoagdan, kailangan ang pagtutulungan ng pamahalaan, mga institusyon at komunidad upang matugunan ang mga ugat ng insurgency at mapanatili ang kapayapaan.
Binigyang-diin din nina Colonel Jeffrey A. Villarosa at 39IB Commanding Officer Lieutenant Colonel Hector A. Estolas ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya, pamilya at komunidad para sa reintegration at reconciliation.
Tumanggap din ng cash assistance, food packages at rice assistance ang mga beneficiaries mula sa Provincial Government of Cotabato at DSWD Region 12.


















