Pinatatag ng Armed Forces of the Philippines o AFP, Philippine National Police o PNP at Philippine Coast Guard o PCG ang kanilang koordinasyon para sa peace, security at defense ng bansa.
Isinagawa kahapon Setyembre 29 sa Malate, Manila ang ika-6 na National Joint Peace and Security Coordinating Center o JPSCC Meeting na pinangunahan nina AFP Chief of Staff General Antonio G. Nafarrete, PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez at PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Galvan.

Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapatuloy ng mga hakbang sa internal security, pagpapalakas ng external defense at mas mahigpit na koordinasyon sa pagtugon sa mga bagong hamon sa seguridad.
Binigyang-diin din ng AFP ang pangunahing responsibilidad nito sa national defense at ang kahalagahan ng isang matatag at koordinadong security system.

Isa sa mga pangunahing resulta ng pulong ang paglagda sa National JPSCC Cyber Plan na magtatakda ng iisang framework para sa cyber defense at response ng AFP, PNP at PCG.
Layunin nitong mapalakas ang palitan ng impormasyon at koordinasyon ng tatlong ahensya, partikular sa mga usaping pangseguridad sa West Philippine Sea at iba pang lugar na nangangailangan ng mabilis at magkakaugnay na aksyon.
Binigyang-diin naman ng AFP ang kahalagahan ng joint training at exercises upang maging pamilyar ang mga tauhan ng bawat ahensya sa kanilang magkakaibang paraan ng operasyon at maging handa sa pagtugon sa mga sitwasyong nangangailangan ng magkasanib na aksyon.

Photos by PFC Carmelotes PN(M) / PAOAFP

















