Nasabat ng mga awtoridad ang tinatayang P573,000 halaga ng pinaniniwalaang puslit na sigarilyo sa isinagawang joint seaborne operation sa baybaying bahagi ng Sitio Tehem, Barangay Townsite, Maluso, Basilan noong Setyembre 29, 2026.

Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen hinggil sa ilang hindi nakilalang indibidwal na umano’y nagbababa ng mga kahon ng sigarilyo sa lugar.

Kabilang sa nagsagawa ng operasyon ang Maluso Municipal Police Station, Basilan MARPSTA, 2nd Provincial Mobile Force Company at Bureau of Customs-Isabela, Basilan.

Namataan ng operating team ang isang motorized banca na may sakay na ilang indibidwal habang tila nagbababa ng kargamento sa dalampasigan.

Nang mapansin ang paparating na mga awtoridad, tumakas ang mga sakay ng banca patungo sa mababaw na bahagi ng bakawan habang tumakbo naman patungo sa mainland Maluso ang mga nasa dalampasigan.

Nang inspeksyunin ang lugar, natagpuan ang ilang kahon ng sigarilyo na pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa.

Wala namang umangkin sa mga kontrabando at walang naipakitang kaukulang dokumento, permit o patunay ng legal na pag-aangkat.

Sampung master case o katumbas ng 500 ream ng Astro Red cigarettes ang nakumpiska na tinatayang nagkakahalaga ng P573,000.

Isinailalim na sa kustodiya ng Basilan MARPSTA ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon, habang iniuugnay ito sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.