Nagdadala ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa ilang bahagi ng Mindanao at Visayas ang trough o extension ng Typhoon Choi-Wan.
Ayon sa weather advisory, kabilang sa mga apektadong lugar ang Mindanao, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Leyte at Southern Leyte.
Dahil dito, posible ang pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na makakaranas ng katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malakas na pag-ulan.
Samantala, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may isolated rainshowers o thunderstorms, ang inaasahan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil naman sa localized thunderstorms.
Posible rin ang flash floods at landslides sa mga lugar na makakaranas ng malalakas na thunderstorms.
Samantala, alas-3 ng madaling araw, nananatiling nasa labas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang Typhoon Choi-Wan.
Huling namataan ang bagyo may layong 2,430 kilometro silangan ng Northern Luzon, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 130 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong hanggang 160 kilometro kada oras.
Kumikilos ito pahilaga sa bilis na 10 kilometro kada oras.

















