PINAHIGPIT ng militar ang seguridad sa mga lugar na sakop ng 602nd Infantry Brigade, 6th Infantry (Kampilan) Division, Philippine Army, kasunod ng pagtatapos ng misyon ng Task Force 27.
Nanindigan ang 602nd Infantry Brigade na nananatiling malakas, handa, at alerto ang mga tauhan nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa buong nasasakupan.
Sa Nabalawag, patuloy na nakatalaga ang 61st Division Reconnaissance Company at Alpha Company ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion upang tiyakin ang tuloy-tuloy na seguridad sa komunidad at mga karatig na lugar.
Pinaigting ang presensya ng mga sundalo, regular na pagpapatrolya, at koordinasyon sa mga katuwang na ahensya bilang bahagi ng mas mahigpit na pagbabantay sa lugar.
Samantala, hinikayat ang mga residente na ipagpatuloy ang kanilang pang-araw-araw na gawain, makipagtulungan sa mga awtoridad, at agad iulat sa pinakamalapit na detachment o himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Nanatiling matatag at nakahanda ang 602nd Infantry Brigade sa pagtupad sa tungkuling pangalagaan ang kapayapaan at seguridad ng bawat komunidad sa nasasakupan nito.

















