Pinarangalan ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang mga beterano at kanilang pamilya bilang pagkilala sa kanilang sakripisyo at paglilingkod sa bansa sa isinagawang aktibidad sa Camp Siongco, Maguindanao del Norte, kahapon Oktubre 8.
Pinamagatang Handog Pasasalamat: A Tribute to Kampilan Veterans, isinagawa ang aktibidad sa Camp Siongco Gymnasium bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-39 anibersaryo ng dibisyon.
Bukod sa pagpupugay, pinagkalooban din ang mga beterano at kanilang pamilya ng libreng serbisyong medikal, pangangalaga sa mata at ngipin, konsultasyon at mga gamot.
Pinangunahan ang aktibidad ng 6ID at Joint Task Force Central sa ilalim ng temang “6ID @39: Maalab na Serbisyo, Matatag na Hukbo, Ligtas na Sambayanan.”
Ayon kay Brigadier General Ricky P. Bunayog, acting commander ng 6ID/JTF Central, mananatiling bahagi ng kasaysayan at pamana ng Kampilan Division ang mga beterano, at magpapatuloy ang pagkilala sa kanilang serbisyo kahit matapos ang kanilang aktibong tungkulin.
Nagbigay ng mga serbisyong pangkalusugan ang Camp Siongco Station Hospital at 1336th Dental Detachment, katuwang ang mga partner agency.

















