Humiling ng pulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Moro Islamic Liberation Front o MILF Chairman at Bangsamoro Parliament member-elect Al Haj Murad Ebrahim upang talakayin ang pagpapatuloy ng prosesong pangkapayapaan sa Bangsamoro.
Sa liham na may petsang Oktubre 1, sinabi ni Ebrahim na nais nilang makipagdayalogo sa administrasyon kasunod ng katatapos na parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Kabilang sa mga nais nilang talakayin ang pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB at Bangsamoro Organic Law, gayundin ang normalization process, decommissioning at mga tulong pangkabuhayan para sa mga dating mandirigma at kanilang pamilya.
Nais din ni Ebrahim ang suporta ng pambansang pamahalaan sa pagpapalakas ng kapayapaan at kaayusan, pagsusulong ng pagkakasundo sa kabila ng pagkakaiba sa pulitika, at pagpapabuti ng koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan at mga institusyon ng Bangsamoro.
Sa pamamagitan ni Executive Secretary Ralph Recto, hiniling ni Ebrahim ang pagkakataong makaharap ang Pangulo sa oras na angkop dito upang talakayin ang mga hakbang para sa ganap na pagsasakatuparan ng kasunduang pangkapayapaan sa Bangsamoro.

















