Kung ang hanap mo ay asawang tahimik, masunurin at marunong magluto, baka rice cooker na nga ang sagot! Pero teka, paano kung kanin lang ang kayang ihain sa mesa?

Usap-usapan sa social media ang kakaibang kuwento ni Khoirul Anam, isang content creator mula sa Magelang, Central Java, Indonesia, matapos niyang ibahagi ang mga larawan ng kaniyang umano’y kasal sa isang rice cooker noong Setyembre 2021.

Sa halip na isang babaeng nakasuot ng wedding gown, isang puting rice cooker na may belo ang naging kakaibang “bride” ni Anam, habang siya naman ay nakasuot ng tradisyonal na puting kasuotang pangkasal.

Hindi rin nagpahuli sa pagpapakilig ang lalaki dahil makikita sa kaniyang mga larawan na magkatabi silang nakapuwesto na tila isang tunay na bagong kasal, at mayroon pang kuhang tila hinalikan niya ang kaniyang kakaibang mapapangasawa.

Pero kung sa ibang mag-asawa ay hanggang sa “for better or for worse” ang pangako, tila hindi umabot sa isang linggo ang pagsasama nina Anam at ng kaniyang rice cooker bride.

Apat na araw lamang matapos ang kunwaring kasal, inanunsyo rin ni Anam ang kanilang diumano’y paghihiwalay, at ang dahilan? Hindi raw kayang magluto ng kaniyang “asawa” ng gulay at kanin lamang ang kayang ihanda nito.

Sa kaniyang mga post, inilarawan ni Anam ang rice cooker bilang maputi, tahimik, masunurin at mahusay magluto – mga katangiang pabirong itinuring niyang ideal sa isang asawa.

Hindi totoong kasal, kundi trip para magpasaya

Sa kabila ng tila seryosong mga larawan, nilinaw ni Anam na bahagi lamang ng kaniyang comedic content ang pagpapakasal at pakikipagdiborsyo sa rice cooker.

Sa isang panayam sa VICE noong 2021, ikinuwento niyang nagsimula ang ideya sa isang kuwentuhan kasama ang kaniyang mga kaibigan tungkol sa mga katangiang hinahanap sa isang ideal na asawa.

Naisip niyang gawing biro ang mga katangiang ito sa pamamagitan ng isang rice cooker, na kalaunan ay naging viral matapos kumalat ang kaniyang mga larawan sa internet.

Hindi rin bago kay Anam ang paggawa ng kakaiba at nakatatawang content, at maging ang kaniyang mga kaibigan ay tumulong sa paghahanda ng kasuotan at iba pang detalye para maisakatuparan ang kaniyang mga ideya.

Sa panayam, ibinahagi rin niyang nagtatrabaho siya bilang construction worker habang gumagawa ng mga kakaibang content sa kaniyang libreng oras, sa pag-asang mapansin ang kaniyang pagiging malikhain.

Sa huli, walang totoong kasal na dapat ipagdiwang at wala ring legal na diborsyong dapat iproseso dahil isa lamang itong palabas para sa aliw ng mga netizen.

At kung may aral man sa kakaibang love story na ito, iyon ay ang katotohanang hindi lahat ng nakikita sa social media ay dapat agad paniwalaan–dahil minsan, ang isang simpleng rice cooker ay puwedeng maging bida sa isang kasalang mas maikli pa sa isang linggong meal plan.

Ikaw, kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Anam, bibigyan mo pa ba ng second chance ang rice cooker, o bibili ka na lang ng air fryer?