Muling inihayag ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy” Macacua, kasama ang mga gobernador ng BARMM, ang pagkakabuo ng 46-member majority coalition na inaasahang bubuo sa bagong pamahalaan ng rehiyon.
‎
‎Sa pinirmahang pahayag na may petsang Oktubre 12, 2026 sa Davao City, kinumpirma nilang lumagda sa BARMM Government Coalition Document ang 46 na halal na miyembro ng Parliament, sa pangunguna ng Bangsamoro Federalist Party o BFP.
‎
‎Ayon sa pahayag, kinakatawan ng koalisyon ang iba’t ibang partidong politikal, lalawigan, pangkat etnolingguwistiko at mga organisasyong nagmula sa rebolusyonaryong kilusan na nagkaisa sa layuning pamahalaan ang Bangsamoro.
‎
‎Binigyang-diin ng grupo na ang 46 na miyembro ay bumubuo na ng mayorya at inaasahang mangunguna sa pagbuo ng Government of the Day matapos mahalal ang Chief Minister sa pamamagitan ng itinakdang proseso ng Parliament.
‎
‎Nilinaw din nila na hindi nila layong pangunahan ang desisyon ng Parliament at nananawagan sa lahat na igalang ang mandato ng mga halal na kinatawan at ang awtonomiya ng BARMM alinsunod sa Bangsamoro Organic Law.
‎
‎Nakatakda namang idaos ang inaugural session ng mga halal na miyembro ng Parliament sa Oktubre 30, 2026, gaya ng itinakda ng batas.
‎
‎Ayon sa pahayag, layunin ng koalisyon na pag-isahin ang mga Bangsamoro matapos ang halalan at bumuo ng pamahalaang magsisilbi sa lahat ng komunidad, lalawigan at sektor, hindi lamang sa mga bumoto sa kanila.
‎
‎Nagpasalamat din sina Macacua at ang mga gobernador sa 46 na miyembro ng Parliament na lumagda sa kasunduan, gayundin sa pambansang pamahalaan sa paggalang nito sa mga institusyon at prosesong umiiral sa BARMM.
‎