Naka-red alert status na ang Cotabato City Police Office (CCPO) bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa unang sesyon ng Bangsamoro Parliament sa Oktubre 30 at paggunita sa Undas.

Ayon kay PLt. Leslie Quinol, tagapagsalita ng CCPO, sinabi nitong mananatiling naka-full force ang mga pulis hanggang matapos ang Undas upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Kabilang sa mga hakbang ng pulisya ang pagpapalakas ng police visibility, mobile patrols, anti-criminality operations at paglalagay ng mga checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.

Pinayuhan naman ni PLt. Quinol ang mga bibisita sa mga sementeryo na huwag magdala ng mga armas o anumang mapanganib na bagay. Iminungkahi rin niyang iwasang isama ang maliliit na bata upang maprotektahan ang mga ito sakaling magkaroon ng hindi inaasahang insidente.

Hinikayat din ang publiko na agad umuwi matapos dalawin ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay upang maiwasan ang pagsisikip ng mga sementeryo at makatulong sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko.