Arestado ang dalawang regional most wanted persons ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) sa magkasanib na operasyon ng mga awtoridad sa Sitio Panandacan, Barangay Baimbing, Lamitan City, Basilan, dakong alas-5:30 ng hapon nitong Oktubre 26.
Kinilala ang mga naaresto na sina Abdul Hadi Siddick, alyas “Epet,” 35-anyos, na No. 2, at Hamudi Baraun Ablaha, 32-anyos, na No. 3 sa regional most wanted list. Kapwa sila nahaharap sa tatlong bilang ng kasong murder batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court noong Agosto 20, 2025.
Iniuugnay ang dalawa sa pananambang noong Disyembre 23, 2024, sa Barangay Baimbing na ikinamatay ng tatlong intelligence personnel ng Philippine Army mula sa Intelligence Service Unit.
Pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Special Operations Group ng Basilan Police Provincial Office ang operasyon, katuwang ang iba pang police at military units. Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa iba pang akusado sa naturang kaso.

















