Binuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-BARMM) ang isang hinihinalang drug den at inaresto ang apat na indibidwal sa buy-bust operation sa Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City, kahapon Oktubre 27, 2026.

Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “Bai,” 34-anyos na babae at hinihinalang maintainer ng drug den; “Meek,” 34-anyos; “Mhad,” 32-anyos; at “Unay,” 37-anyos. Pawang residente ng Cotabato City ang mga ito.

Nasamsam sa operasyon ang 15 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na humigit-kumulang 30.4 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P206,720. Narekober din ang mga cellphone, buy-bust money at iba’t ibang drug paraphernalia.

Pinangunahan ng PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office ang operasyon sa tulong ng Cotabato City Police Office at iba pang yunit ng pulisya. Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso sa paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.