Nakatakda ang malawakang power interruption sa ilang lugar na sakop ng Maguindanao Electric Cooperative o MAGELCO sa Linggo, Nobyembre 22, 2026, dahil sa isasagawang pagkukumpuni sa linya ng kuryente.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, tatagal mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon ang pagkawala ng suplay ng kuryente sa mga lugar na sakop ng Talayan Substation.

Samantala, magkakaroon din ng maikling power interruption sa mga lugar na sakop ng Rajah Silongan Kudarat at Salbu Substations, mula alas-6:00 hanggang alas-6:10 ng umaga, at mula alas-4:50 hanggang alas-5:00 ng hapon.

Isasagawa ang shutdown ng bahagi ng Dukay-Talayan 69-kilovolt line upang bigyang-daan ang pagkukumpuni nito.

Magkakaroon din ng panandaliang pagkawala ng kuryente bago at matapos ang maintenance work para sa isolation at normalization ng bahagi ng Salbu-Talayan 69-kilovolt line.

Nilinaw ng NGCP na ang mga partikular na lugar na maaapektuhan ay tutukuyin ng MAGELCO, habang sisikapin naman nitong maibalik ang suplay ng kuryente nang mas maaga o alinsunod sa itinakdang oras.