Sumuko sa militar ang 12 dating miyembro ng mga armadong grupong inilarawang violent extremists, kasabay ng pagkolekta sa kabuuang 26 na baril mula sa limang bayan ng Maguindanao del Sur ngayong Huwebes, Nobyembre 19, 2026.
Ayon sa 6th Infantry Division ng Philippine Army, 12 sa mga nakolektang armas ang isinuko mismo ng mga sumukong indibidwal, habang 14 pang loose firearms ang nai-turn over mula sa mga bayan ng Datu Abdullah Sangki, Datu Saudi Ampatuan, Shariff Aguak, Ampatuan at Datu Unsay.
Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng Balik-Loob Program at Small Arms and Light Weapons Management Program na pinangunahan ng 90th Infantry Battalion.
Pormal na ipinrisinta ni Lieutenant Colonel Loqui O. Marco, commander ng 90th Infantry Battalion, kay 601st Brigade Commander Brigadier General Gremel B. Brual ang mga sumukong indibidwal at mga nakolektang armas sa seremonyang ginanap sa headquarters ng batalyon.
Binigyang-diin ni Brual ang kahalagahan ng pagtutulungan ng militar, mga lokal na pamahalaan at mga komunidad upang maisulong ang kapayapaan at mabawasan ang pagkalat ng mga loose firearms.
Samantala, pinuri ni 6th Infantry Division Commander at Joint Task Force Central Commander Major General Edgar L. Catu ang 90th Infantry Battalion, 601st Brigade, mga katuwang na ahensiya at lokal na pamahalaan sa kanilang koordinasyon sa pagpapatupad ng mga programa.
Ayon kay Catu, mahalaga ang sama-samang pagkilos ng militar, mga ahensiya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at mga mamamayan sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan.
Kabilang sa mga katuwang sa aktibidad ang Provincial Government of Maguindanao del Sur, Maguindanao del Sur Police Provincial Office, Ministry of Peace, Order and Safety ng BARMM, National Intelligence Coordinating Agency Region XII at mga lokal na pamahalaan.
Bahagi ang aktibidad ng patuloy na programa ng 6ID at Joint Task Force Central para sa peacebuilding, conflict prevention at community development sa Central at South-Central Mindanao.

















