Natagpuan ang bangkay ng isang 32-anyos na lalaki sa Sitio Panay, Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte, dakong alas-10:40 ng umaga ngayong Miyerkules, Nobyembre 18.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Dennes Lamis Irana, residente ng nasabing lugar at may asawa.

Batay sa ulat ng Parang Municipal Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen bandang alas-9:00 ng umaga hinggil sa pagkakatuklas sa bangkay, dahilan upang agad na magtungo ang mga pulis sa lugar.

Sa paunang imbestigasyon, isang nangunguha umano ng bunga ng niyog ang unang nakadiskubre sa bangkay at agad na ipinaalam ito sa isang residente, na siyang nagtungo sa bahay ng biktima upang ipaalam sa kaniyang asawa.

Napansin din sa paunang pagsusuri ang mga pasa sa mukha ng nasawi, habang nasa estado na ito ng pagkabulok nang matagpuan.

Lumabas din sa imbestigasyon na nawawala umano si Irana mula pa noong Nobyembre 16 matapos dumalo sa isang lamay at hindi na nakauwi.

Pinaniniwalaan naman ng mga awtoridad na posibleng hindi ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay ang pinangyarihan ng krimen, dahil sa indikasyong itinapon lamang umano roon ang katawan.

Nakipag-ugnayan na ang Parang Municipal Police Station sa Scene of the Crime Operatives o SOCO para sa pagproseso ng crime scene at pangangalap ng posibleng ebidensiya, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi at mga pangyayari sa pagkamatay ng biktima.