Nagtungo sa sentral na tanggapan ng Komisyon sa Halalan o COMELEC sa lungsod ng Maynila ang punong ministro ng rehiyon at tumatayong UBJP President na si Al Haj Murad Ebrahim upang isumite nito ang kanyang sworn statement sa komisyon bilang bahagi ng paghahanda nila sa pag file ng CONA o ang Certificate of Nomination and Acceptance ng kanilang mga pambato sa buong rehiyon.
Mahalaga aniya itong hakbangin para sa darating na 2025 First Bangsamoro Parliamentary Elections na gaganapin sa rehiyon. Ayon sa Chief Minister, patunay lamang ang naturang paghahain ng dedikasyon ng partido sa pagsuporta sa malinis at walang kapintasang halalan na demokratiko at walang bahid ng kontrobersya.
Layon din ng partido na ipakita ang sinseridad nito sa pagtataguyod ng isang pamahalaang magsisilbi sa interes ng bawat Bangsamoro na may pagtutok sa pantay na laban sa pamulitika.
Mismong si COMELEC Chairman George Garcia ang humarap sa grupo ni Ebrahim at ng UBJP upang tanggapin ang sworn statement nito.