Labis na hinagpis at hagulgol nang makita ng mga kaanak ni Mae Angeline Agapay-Batingkay, 36 anyos, residente ng Barangay Magsaysay, Kidapawan City ang mga labi nito matapos itong tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem sa nasabing bayan.
Ayon sa paunang ulat, galing umano sa Suerte Elementary School ang biktima upang ihatid ang anak nito sa eskwelahan ngunit ng pauwi na ito dito na pinagbabaril-patay ng dalawang suspek sakay ang Bajaj motorcycle na walang plaka.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang alkalde ng lungsod na si Mayor Pao Evangelista sa nangyari sa naturang ginang at nangakong masusing iimbestigahan ang kaso katuwang ang PNP at iba pang investigative agencies.
Dagdag pa rito, magbibigay ng pabuyang P100,000 ang alkalde sa sinumang makakasuplong sa kinaroroonan o pagkakakilanlan ng mga suspek.