MULING pinagtibay ni Ministry of Labor and Employment (MOLE) Minister Datu Muslimin Sema ang pangako nito na sugpuin at labanan ang tumataas na kaso ng child labor na ugat ng kahirapan sa rehiyong Bangsamoro.
Ang pahayag nito ay kaugnay na rin sa pagdiriwang ng World Day Against Child Labor (WDACL) noong Biyernes, Hunyo 28, ng taong kasalukuyan.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan para sa sama-samang pagsisikap ng pamahalaan na ipatupad ang mga umiiral na batas at tugunan ang kahirapan, na tinukoy niya bilang isang pangunahing sanhi child labor.
Sinimulan noong 2022, ang WDACL ay isang taunang kaganapan na ginaganap tuwing Hunyo 12 upang itaas ang kamalayan at wakasan ang hindi makatarungang paggawa na kinasasangkutan ng mga menor de edad sa buong mundo.
Isa sa mga pangunahing hakbangin ng MOLE ay ang Bangsamoro Child Labor Sagip Program, na nakatutok sa pag-aalis ng iba’t ibang anyo ng child labor, pang-aabuso, pagsasamantala, at diskriminasyon.
Nagbibigay din ang programa ng tulong pinansyal upang suportahan ang mga pamilyang Bangsamoro na nahaharap sa kahirapan sa ekonomiya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kolaborasyon sa pagitan ng transitional government, stakeholders, at international organizations para labanan ang child labor.
Ang mga internasyonal na ahensya tulad ng International Labor Organization (ILO) at Integrated Resource Development for Tri-People (IRDT), na may sponsorship mula sa Gobyerno ng Japan, ay nag-ambag sa tagumpay ng paggunita ng nasabing selebrasyon.
Binigyang-diin din ng Cotabato City local government unit (LGU) na ang Cotabato City Council Against Child Labor (CCCAL) ay aktibong magsusulong para sa karapatan ng mga bata at magsisikap tungo sa pagpuksa sa child labor sa lungsod.
Dagdag pa rito, aniya ang pagtataguyod ng self-sustaining at inclusive development para sa mga bata ay naaayon sa ika-12 priority agenda ng Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim.