Fake news ang kumakalat na post ng isang Jhonat Ebrahim Adtugan sa Fb account nito na may sumabog na bomba sa bayan ng Tulunan, Cotabato kahapon ng umaga.
Sa naging kumpirmasyon ng Tulunan PNP sa pamamagitan ng Hepe nito na si PCapt. April Soria balak nilang sampahan ng kaso ang irisponsableng si Adtugan na nagpakalat ng maling impormasyon.
Nabatid na noon pang Enero ng taong 2021 ang mga kuha o larawan na ipinost ni Adtugan at ito ay ang pagsabog ng IED sa ticketbooth sa Barangay Sibsib na ikinasawi ng isa at ikinasugat pa ng lima.
Ayon kay PCapt. Soria, maaring humarap sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 ang naturang account owner dahil sa ginawa nitong eskandalo.
Agad namang humingi ng paumanhin sa publiko si Adtugan sa ginawa nitong kabulastugan at perwisyo nito sa bayan ng Tulunan.