Pansamantalang babaguhin ng Bangsamoro Government ang iskedyul ng trabaho para sa mga Muslim na opisyal at empleyado sa lahat ng ministries, tanggapan, at ahensya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), bilang paggunita ng buwan ng Ramadhan na magsisimula sa araw ng Linggo o Marso 2 nitong taon.
Ayon sa Presidential Decree No. 291 at mga kaugnay na resolusyon ng Civil Service Commission (CSC), naglabas ng memorandum ang Opisina ng Punong Ministro upang baguhin ang regular na oras ng trabaho mula 8:00 AM – 5:00 PM magiging 7:30 AM – 3:30 PM na ito sa panahon ng Ramadhan.
Layunin ng pagbabagong ito na bigyang-daan ang pagsasagawa ng mga gawaing panrelihiyon ng mga empleyadong Muslim habang nananatiling sumusunod sa itinakdang 40-oras sa isang linggo ng trabaho batay sa mga regulasyon ng CSC.
Ang memorandum order, na nilagdaan ni Senior Minister Abunawas Maslamama, ay nagtatakda na ang bagong iskedyul ay magiging epektibo simula sa unang araw ng Ramadhan.
Matapos ang Eid’l Fitr, ang pagdiriwang na nagmamarka ng pagtatapos ng pag-aayuno, muling ipatutupad ang regular na oras ng trabaho mula 8:00 AM – 5:00 PM.